Saturday, May 4, 2024

Estrelyado

Kulay-abo ang umagang langit. Lakad ako hanggang kapihang Istarbak para magkapeng itim na may yelo. Naroon ang mga baristang si Francis na mestisong Amerindiyong Cree at puti, si Annang Pilipina, si Ross na Pilipinong manedyer, at mamaya pang si Nabhing Indiyana. Dala ko sa berdeng kambas na sakong militar ko ang Diksiyonaryo ng Lojban ng Amazon at ang Esperantong librong Kometo en Muminvalo ni Tove Jansson. May baon akong hopyang ube ng markang Maynila's Choice. Dumalaw yaong ufolohistang si Michael na Danes-Pranses. Paglabas niyang may kape sa kamay, sabi niya, "Nawa'y nasa Langit ka na, mga kalahating oras bago maalaman ng Diyablo'y patay ka na!" Iniisip kong wika ang maging relihiyon ko: Lojban at Esperanto. Malimit ko ngang isiping Singkretista akong mas parang Budista-Animista. Pero, naniniwala ako sa libog nang parang Hindu. May kaugnayan ang Animismo sa tingin ko, dahil alam kong may mga demonyito nga sa kapitbahayan. Sa labas ng bintana ng kapihan, may nakita akong kalapating may isa lamang na binting ipinanglalakad niya: "singkronisidad." Pinakita ko kina Anna at Francis. Nagulat kami. Sa ibang tema, magkataong mas para akong yaong puting si Jason at yaong Kantones na si Don, mga panatiko ng siyensiyang piksiyon. "Araw ng Star Wars" daw ngayon ang sabi ni Michael. "Nawa'y mapasainyo ang Lakas!" Ngayon ay ang ika-4 ng Mayo ng 2024, sa Isla Lulu rito.

No comments:

Post a Comment