Nang mga 19:00 o 20:00 nang gabi nang ika-7 ng Nobyembre ng 2023, Martes, lakad ako papuntang gasolinahan dito sa Isla Lulu para bumili ng isang dilaw na lata ng Yerba Mate, yaong may lasang menta ng markang Guayakí. Dinala ko sa pizzeria para inumin kong may kasamang piraso ng gulaying pizzang may mga itim na olibo. Sa kahera at kusina, nag-iisa si Simar, yaong matangkad na batang Taga-Indiya. Habang ang musika sa harap ay ang Radyo Birheng may anawnser na Britaniko, sa likod sa kusina ay musikang Panjabi o Hindi mula sa ismartpon ni Simar. May dalawang Pilipinang naghuhuntahan habang naghihintay ng pizza nila. Sa telebisyong walang audio, ang labas ay isang kompetisyon sa pagsasayaw. Risqué ang mga suot. Sa ibang tema, nitong mga araw, obsesyon na ni Michael na Danes-Pranses ang mga mahiwagang ilaw-ilaw sa kapitbahayang sa kanyang isip ay ebidensiya ng ekstraterestre.
No comments:
Post a Comment