Sa Istarbak, kumakain ako ng binalot na kesong feta, espinaka, at puti ng itlog nitong mainit at maaraw na hapon nang ika-14 ng Agosto ng 2023. Sa labas ng bintana, kita ko sa isang mesa ang dalawang adolesenteng nagha-hamburger. May bago yatang barista roong akala ko ay Intsik, pero Pilipina pala. Naroon si Don, yaong puting nakaahit ang ulo at parating nagbabasa ng libro sa elektronikong aklatan niya. May mga taong de-kolor ang mga tisyort at may mga desayn. May malusog na Hispanikong nakaberdeng kamisetang de-kolyar at asul na maong na pantalon. May lalaking may itsurang nakaputing kamisetang de-butones at asul na maong na pantalon din. Noong isang araw, pinag-usapan namin ni Greg na maganda sa Europa at Asya dahil may mga antigong gusaling nagpapahiwatig ng kasaysayan. Sabi kong baka rito sa mga Amerika, sa "Bagong Mundo," ganoon din ang mangyayari sa kinabukasan. Daan-daang mga taon ang lilipas, at luluma rin ang mga gusali. Sa tema ng araw, ang 14 ay sagradong numero sa maraming Hapones. Maraming Hapones ay dalawa ang relihiyon. Budista-Shintoista sila. Ang Shinto ay isang klaseng Animismo, ang adorasyon ng mga anito o espiritu sa Kalikasan.
No comments:
Post a Comment