Wala namang masyadong nangyari nitong maulap na umaga nang ika-22 ng Abril ng 2023. Sa madaling-araw sa bahay, kumakain ako ng ubeng hopya, malaking puting siyopaw, at lasang wasabing mga berdeng nilutong tsitsaro at umiinom ng malamig na itim na kape, habang nag-iinternet sa tablet ko at nakaupo sa salas. Sa tablet ko rin, may mga audiobook ako ng puntong Britanikong Star Maker, o Manggagawa ng mga Bituwin, ni Olaf Stapledon at Portuges na bersiyong Duna ni Frank Herbert, at pareho itong mga siyensiyang piksiyon ay pinakikinggan ko, dahil parang nakakaduling na ang magbasa ng teksto sa akin. Mga alas 7, nasa tsaahan na ako para uminom ng mayelong itim na tsaa at magbasa nang malakas ng isang Pranses na siyensiyang piksiyong librong Un bonheur qui dérape, o Isang Madulas na Kaligayahan, ni Jean Mazarin. Sa isang mesa, may mag-asawang Arabe. Sa isa pang mesa, may mga tatlong regular na Anglo-Sahon, Latino, at Intsik na atletiko. May bisita silang Taga-Inglaterang pauwi na. Bago pa mag-alas 8, hindi ko na hinintay ang kaibigang kong Pilipinong si Greg, at pumunta na ako sa groseri para bumili ng lasang reynbow na sorbet. Ang kahero ay ang Ingles-Intsik na mestisong si Michael. Sa labas, sa isang bangko sa lilim ng puno, nakaupo si Michael na Danes-Pranses at nagkrokrosword doon; kumaway siya sa akin. Sa parking lot, kumaway din sa akin si Benny, yaong tagawalis na Bumbay na Taga-Fiji.
No comments:
Post a Comment